Tuesday, February 01, 2005
Pangingibang Bansa
Napakalaki ng aking pagnanasang makapangibang bansa noon. Una na rito ay para magkaroon ng malaking sweldo at makaipon. Gusto kong makapagpatayo ng malaking bahay, mapag-aral ang aking anak sa pinakamagandang eskwelahan sa Pilipinas, mabigyan din ang aking ina na wala ng ginawa kundi ang kumayod, at maipagpatayo ng bahay ang aking mga Lolo at Lola, kasama na ang aking auntie. Nais ko ring makapagpatayo ng isang negosyo na bubuhay sa amin at makapagpatayo ng isang Foundation na makakapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Mahirap nga bang marating ang aking mga pinapangarap kung nandito lang ako sa Pilipinas? Nitong huli ay tumataas ang value ng peso laban sa dolyar. Kung noon ako ay nanghihinayang kapag ito ay nangyayari, ngayon ay may kaakibat na tuwa. Ito marahil ay epekto ng aking mga napanood: Filipinas at Milan. Nitong huli ko lang sila napanood. Mga pelikulang kung ituring ay mga "korni". Pero ito ang nakapagbukas ng aking isipan na hindi puro sarap lang ang mangibang bansa. Mahirap. Naisip kong ang pagtityaga na kailangan kong gawin doon ay kaya ko ring doblehin dito sa Pilipinas. Hindi ko kayang malayo sa aking anak, sa aking mga kapamilya kapalit ang limpak limpak na salapi. Magiging ipokrita naman siguro ako kung sasabihin kong ayokong marating ang Amerika. Sino bang may ayaw? Gusto ko ring pumunta sa Amerika pero ayaw kong maglagi doon. Kung ako ang papipiliin, mas gusto ko pa rin ang tumira dito sa ating bayan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Does this relate to...
Post a Comment